Kwentong OFW

2014-05-19 / Eddie G. Vanguardia / Kwentong OFW / Pilipinas 菲律賓 / Wala


"Tatay, kamusta na po kayo dyan? Sana lagi po kayong mag-iingat at wag nyo po pababayaan ang sarili nyo. Ayos naman po kami nina nanay at Alvin. Grade 6 na po ako sa pasukan at si Alvin naman po ay grade I na. Miss na miss ka na namin tay." Sulat ng aking anak na panganay na halos paulit-ulit kong binabasa. Na halos hindi ko mapigil ang pagpatak ng aking luha sa tuwing ito ay aking bubuklatin. Ito ang huling sulat nya na aking natanggap.

Kamusta na kaya ang mga anak ko ngayun? Asan n kaya sila? Ano na kaya ang kanilang ginagawa? Kung hindi ako nagkakamali 38 anyos na ang aking si Mila ngayun, ang panganay kong anak at 33 naman si bunso.

Maibahagi ko lng sa inyo kung bakit kami nagkalayo..... tawagin nyo na lang akong Tata Kanor tubong Quezon isang dating nakipagsapalaran sa ibang bansa. Taong 1984 nang nagbakasakali akong mangibang bayan at sinuwerteng mapadpad sa Saudi. Nang mga panahong iyon sulat lamang ng aking anak ang tangi kong komunikasyon sa kanila. Na paminsan-minsan ay sinisingitan din nman ng aking asawa ng kanyang maikling liham na pangangamusta sa akin. Halos naka limang taon din ako sa abroad, tiniis ko ang hirap, pagod, init, puyat, at pangungulila sa aking pamilya. Sinikap kong padalhan sila ng panggastos buwan-buwan, bukod pa ang aking padala tuwing may okasyon. Lalo na kung sasapit ang araw ng pasko at ang kaarawan ng aking mahal na asawa na si Benilda. Pinilit kong huwag makalimot sa mga binitawan kong pangako sa aking pamilya.

Sa pang-apat na taon ko sa saudi, ay wala na akong natanggap na sulat mula sa aking anak at asawa. Kaya't sa tuwing ako'y liliham sa kanila ay wala akong natatanggap na tugon. Diretso pa din ang aking pagpapadala ng pera buwan-buwan. Dahil noong mga panahong iyon ay wala pang telepono o cell phone upang sila'y aking matawagan. Kaya't sa aking pag-aalala, sa 8 buwang lumipas na wala akong natanggap na liham mula sa aking anak, nagdesisyon na akong magbakasyon muna. Sobra na din ang pananabik ko sa aking pamilya, lalo na sa aking asawa. Araw-araw akong nag-iisip na baka ano na ang nagyari sa kanila. May mga gabi na hindi na talaga ako makatulog ng dahil sa pag-iisip sa kanila.

Hindi ko talaga malimutan ung sinabi ng aking asawa bago ako umalis at iyon ay aking pinanghawakan, "Daddy, (tawag nya sa akin) iyo lang ako, at akin ka lang habambuhay. Ingat ka doon ha, hihintayin ka nmin ng mga bata." Hindi ko mapigilan ang mapangiti sa tuwing iyon ay aking naiisip. Mas lalo akong naiinip sa bawat oras na lumilipas, kaya't dali-dali akong nagpaalam upang magbakasyon ng kahit isang buwan. Naisip ko sapat na siguro ang konting pera kong dala at tiyak namang may ipon ang aking mahal na asawa.

Gabi na ng ako'y dumating sa aming baryo, medyo madilim na.. palibhasa'y liblib ang aming lugar at malayo ng bahagya sa mga kapitbahay. Habang ako'y naglalakad pauwi sa amin, nasalubong ko ang isang halos bulok nang trisikel na may sakay sa loob na isang babae at isang lalaki na animo'y hindi na makapaghintay ng hotel.
Hindi ko iyon pinansin, nagmamadali na ako at medyo may kabigatan din nman ang dala ko. Pagpasok ko sa bahay laking gulat ko sa biglang pagyakap ng aking panganay na anak saba'y iyak ng malakas at ang bunso ko naman ay tahimik at ako ay kinikilala na tila natatakot. "Diyos ko!" aking nawika, "Ang papayat nyo, ano ang nangyari sa inyo? nasan ang nanay nyo?" Biglang sumagot ang bunso kong anak, umalis po, kaalis lng kasama ni Gaston, sakay ng trisikel. Nagdilim ang aking paningin, at bigla akong nakaramdam ng galit. "Sinong Gaston?" tanong ko kay Mila. Hindi agad siya nakasagot at bagkus ay umiyak pa ng malakas. At napansin ko ang kanyang mga braso na puro pasa at ang kanyang mga binti ay may mga galos. "Si Gaston po ang nakatira dito sa atin na katabi ni nanay sa pagtulog, lagi nya po akong tinatakot at sinasaktan kapag nagsasabi ako na magsusumbong sa inyo. Lahat ng pinapadala mo tay, siya ang kumukuha. Kung saan-saan sila pumupunta ni Nanay lalo n kapag gabi na. Takot na takot po kami ni Alvin, hindi n kmi nakapag-aral, pinatigil na kmi ni nanay. Dito lng daw kmi sa bahay at wag n wag daw lalabas." Sa kwentong iyon ng aking anak, hindi ko mapigilan ang mahabag para sa knilang dalawa ni bunso at ang magalit ng todo sa aking asawa at sa lalaking iyon. "Anong oras sila kung umuwi?", tanong ko kay Mila. "11 na po ng gabi.", wika niya. Sa mga oras na iyon, walang ibang bagay sa aking isip kundi ang maghiganti sa panlolokong ginawa ng aking asawa. Nagtiis ako ng hirap sa ibang bansa, pagkatapos ito lang ang igaganti nya." Ipinasya kong pakalmahin muna ang aking mga anak sa pamamagitan ng aking mga pasalubong sa kanila, hanggang sa sila'y makapagpahinga na.
Pasado alas diyes nang mghintay ako sa may labas ng bahay, nakatago ako sa likod ng puno ng mangga. Halos isang kahang sigarilyo ang aking naubos. Wala akong ibang nararamdaman ng mga oras na iyon kundi galit at ang plano kong paghihiganti.
Nang bigla ko namataan ang parating na trisikel, na sinisiguro kong sila ang sakay. Hinintay kong makaalis muna ang sasakyang naghatid sa kanila at bigla akong bumungad sa kanilang harapan hawak ang isang matalas na palakol. Para akong sinaniban ng masamang espiritu nang bgla ko silang palakulin na magkahawak pa ang mga kamay na mas lalong nag-udyok sa akin upang sila ay patayin. Oo, pinatay ko sila sa aking mga kamay, isang asawang manloloko at isang lalaking mapanira ng pamilya.
Pagkatapos ng sandaling iyon, tuliro ang isip ko at ewan ko ba kung bakit naglakad-lakad pa ako sa baryo na hawak ang palakol na may tutulo-tulo pang dugo. Ang hindi ko alam may nakakita pala sa akin ng gawin ko iyon dahil alam nilang magiging kaabang-abang daw ang tagpong iyon sapagkat batid nila ang aking pagdating.
Agad akong nahuli ng mga pulis at hinatulan akong mabilanggo ng pang habambuhay. Mula noon wala na akong naging balita sa aking mga anak magpahanggang ngayun. Tanging liham na lang ng aking panganay na anak na lagi kong binabasa at tangi kong ala-ala sa kanila.

Eto ako ngayun nagdurusa. Nagdurusa sa kasalanang hinding-hindi ko pinagsisihan, sapagkat para sa akin kung sakaling maulit muli ang pangyayaring iyon sa aking buhay, muli akong sisikil ng buhay.

Sana maging aral sa inyo ang kwento ng aking buhay. Sana kahit papaano ay tumimo sa inyong isipan ang isang pangyayari na pwede palang mangyari sa totoong buhay at hindi sa isang pelikula lamang o tele-serye. Sa mga may asawa na nakikipagsapalaran ang kanilang mga kabiyak sa ibang bansa, huwag nyo sanang tularan ang aking asawa. Huwag nyo sana siyang pamarisan. Igalang at irespeto sana ninyo ang paghihirap at sakripisyo na ginagawa ng inyong asawa. Mabuting halimbawa sana kayo ng isang mabuting asawa. - TATA KANOR

Sa panulat ni Eddie G. Vanguardia